Military detachments sa Maguindanao, inatake ng BIFF

maguindanaoBago ang pasalubong sa Bagong Taon naglunsad ng pag-atake ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa tatlong military detachments sa Maguindanao.

Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division spokesperson Captain Joan Petinglay, wala namang sundalong nasaktan sa nasabing pag-atake at hindi rin nagawang makalapit ng husto ng mga rebelde sa detachment.

Sinabi ni Petinglay na naghagis ng M203 grenade launcher ang BIFF sa Army detachment sa Datu Piang alas 6:00 ng gabi kagabi. Bumagsak ang granada 50 meters ang layo sa detachment.

Alas 9:10 naman ng gabi tinatayang nasa 20 hanggang 30 miyembro ng BIFF ang umatake sa detachment ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. Timbangan sa Shariff Aguak.

Nagkaroon ng labing limang minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde.

Ayon kay Petinglay ang ikatlong pag-atake ay naganap naman sa 40th infantry battalion sa Shariff Saydona Mustapha alas 10:30 ng gabi kung saan aabot sa 40 BIFF members ang sumalakay.

Magugunitang noong Christmas eve at mismong araw ng Pasko, nagsagawa din ng pag-atake ang BIFF sa Maundanao, Sultan Kudarat at North Cotabato kung saan 13 ang nasawi.

Read more...