Mahigit P23M halaga ng ilegal na droga nakumpiska sa serye ng buy-bust operation sa Cebu

Simula gabi ng Lunes (Aug. 26) hanggang madaling araw ng Martes (Aug. 27) umabot sa P23 milyon ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Cebu.

Ikinasa ang serye ng operasyon ng mga tauhan ng Guadalupe Police at Mambaling Police sa pakikipag-ugnayan sa Mandauel City police kung saan nadakip ang tatlong mga suspek.

Unang naaresto sa kaniyang bahay sa Barangay Guadalupe, Cebu City si Myla Obatay Delumbar, 29 anyos na nakuhanan ng mahigit P7 million na halaga ng shabu.

Ayon kay Police Major Dindo Juanito Alaras, hepe ng Guadalupe Police, mahigit isang buwan ang ginawa nilang surveillance sa high-value target na si Delumbar bago ikasa ang operasyon.

Sa follow up operation ay naaresto ang kasabwat ni Delumbar na si Vicente Dungog Jr., sa Sitio Mahusay, Barangay Subangdaku, Mandaue City.

Nakumpiska naman kay Dungog ang P14.65 million na halaga ng ilegal na droga.

Samantala, madaling araw ng Martes nang madakip naman sa Barangay Duljo Fatima, Cebu City ang suspek na si Nelson Booc, 33 anyos.

Nakuha naman kay Booc ang P1.7 million na halaga ng ilegal na droga.

Mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Read more...