War veteran at “Hanging Judge” Manuel Pamaran nanawagan na ibalik ang death penalty
Umaapela si war veteran at dating Sandiganbayan Justice Manuel Pamaran na tinaguriang “hanging judge” na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Sa ambush interview sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Pamaran na napapanahon na para ibalik ang parusang kamatayan para matakot ang tao na gumawa ng kalokohan at krimen at mapanatili ang peace and order sa bansa.
Kung maibabalik man ang parusang kamatayan, sinabi ni Pamaran na dapat na tanggalan na ng karapatan ang pangulo ng bansa na magkaroon ng kapangyarihan para sa commutation ng mga nahahatulan ng kamatayan.
Bitay ang nakikitang pamamaraan ni pamaran para sa parusang kamatayan.
Sa pagkakatanda ni pamaran, aabot sa 60 katao ang kanyang naparusahan ng bitay noong hukom pa lamang siya noong dekada 70 hanggang 80.
Kabilang sa mga nahatulang bitay ni Pamaran si Evelyn Duave Ortega alyas Baby China kung saan ginawang pelikula ang buhay nito at naging bida si Vilma Santos.
Si Pamaran din ang nagpataw ng parusang bitay kay Juanito Alde alyas Waway.
Nabatid na 30-taon nang dumadalo si Pamaran sa paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Pamaran, ang pagdalo sa paggunita ng National Heroes Day ay munting pamamaraan para sa bayan.
Tanong ni Pamaran sa lahat ng Filipino, ano ang nagawa nyo para sa bayan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.