Apat na sunog naganap sa NCR sa pagsalubong sa Bagong Taon

(update) Magkakasunod na sunog ang naganap sa Metro Manila sa pagsisimula ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Pinakamalaki ang sunog na naganap sa Dagupan Extension sa Tondo Maynila kung saan aabot sa 1,000 bahay ang natupok ng apoy.
Ayon kay Bureau of Fire Protection, Director Ariel Barayuga, malaking halaga ang tinupok ng apoy sa Tondo dahil magkakadakit ang mga nasunog na bahay.
Nagsimula ang sunog pasado alas 3:00 ng madaling araw at agad umabot sa general alarm isang oras ang nakalipas.
Isa ang patay sa nasabing sunog habang nasa 1,000 bahay ang natupok sa nasabing sunog at aabot sa 300 ang totally damaged.
Sa datos mula sa Philippine Red Cross, apektado ng naganap na sunog ang aabot sa 3,000 indibidwal na pawang residente ng Barangay 155 at 160 Zone 14 District 2 Tondo Maynila.
Nakilala naman ang nasawi na si Danilo Francisco, na natagpuang wala nang buhay sa loob ng restroom ng nasunog niyang bahay.
Ayon sa mga kaanak ni Francisco, tumutulong pa ito sa pag-apula ng apoy sa simula at posibleng nawalan ito ng malay matapos mahirapang huminga dahil mayroon itong sakit sa baga.
Sinabi ng BFP na ‘kwitis’ ang pinagmulan ng sunog. “Ang initial assessment ng aming investigator ay 1,000 na bahay ang nasunog, malaki po talaga ang natupok ng apoy sa Tondo, dikit-dikit po ang mga bahay. Initial investigation po ay fireworks po ang naging dahilan ng sunog sa Tondo,” ayon kay Barayuga sa panayam ng Radyo Inquirer.
Maging ang Barangay Hall ng Barangay 155 sa Tondo ay hindi nakaligtas sa sunog.
Samantala, sa Quezon City, dalawang magkasunod na sunog ang naganap mula pasado alas 12:00 ng madaling araw kanina.
Unang sumiklab ang sunog sa bahagi ng E. Rodriguez sa Quezon City alas 12:53 ng madaling araw.
Umabot lamang sa 1st alarm ang sunog at agad naideklarang fire out ala 1:02 ng umaga.
Sunod na nasunog ang residential area sa Krus Na Ligas sa Quezon City na nagsimula alas 2:13 ng umaga. Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire under control alas 3:04 ng umaga.
Bago naman mag alas 6:00 ng umaga, nakapagtala din ng residential fire sa Valenzuela City.
Sa abiso ng Valenzuela City government sa kanilang twitter account, alas 5:57 nang magsimula ang sunog sa bahagi ng MacArhtur Highway sa Dalandanan Valenzuela City.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire out alas 6:56 ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.