Malacañang: Usapin ng pagpapalaya kay Sanchez ‘di na dapat isyu

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na hindi na dapat isyu at pinag-uusapan pa ang kontrobersiya ukol sa pagpapalaya sa murderer at rapist na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Sa isang panayam, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na nalinaw nang hindi kwalipikado si Sanchez na mapalaya.

“I believe na hindi na kinikwestyon ‘yan. It’s not anymore an issue. Natuldukan na ito. Hindi na dapat pag-usapan pa ito kasi hindi talaga qualified,” ani Nograles.

Una nang pinalutang ang posibilidad na posibleng makalaya si Sanchez at ang 11,000 pang kriminal dahil sa Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance Law.

Pero ayon kay Nograles, hindi kwalipikado si Sanchez sa GCTA  dahil nakalagay na hindi kasali ang mga nakagawa ng heinous crimes o mga karumal-dumal na krimen.

“Napakaliwanag sa batas. Kahit bali-baliktarin mo yung batas na ‘yan, eh nakalagay talaga doon pag heinous crimes, hindi ka qualified,” ani Nograles.

Una rito sinabi ni Senator Bong Go na nagngangalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa balitang mapapalaya si Sanchez dahil sa GCTA.

Read more...