AFP official: Barkong namataan sa Tawi-Tawi, Malaysian vessel hindi Chinese warship

Napagkamalan umano ng local government officials sa Tawi-Tawi na Chinese warship ang barkong namataang dumaan sa kanilang katubigan.

Sa isang panayam, isinalaysay ni AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom) commander Lt. General Cirilito Sobejana na lumapit sa kanya si Taganak, Tawi-Tawi Mayor Hadji Moh Faisal Jamalul.

Iniulat ni Jamalul ang namataang barko malapit sa Turtle Group of Islands sa timog na bahagi ng lalawigan noong August 2.

Pero ayon kay Sobejana, nagkamali lang si Jamalul dahil Malaysian Navy ang natagpuan sa teritoryo at hindi Chinese Navy.

Paliwanag ng AFP official, nagkaroon ng bilateral exercise sa pagitan ng bansa at ng Malaysian Navy nitong unang bahagi ng Agosto dahil sa panghihimasok ng foreign vessels partikular ng Chinese warships noon pang Pebrero sa lugar.

Iginiit pa ni Sobejana na simula noong August 2 ay wala nang pumasok pang barko ng ibang bansa.

Maaari umanong naglabas ng kautusan ang China sa Navy nito na huwag papasok sa teritoryo ng Pilipinas nang walang paalam.

Samantala, sinabi ni Sobejana na hindi kailangan ng mga foreign vessels na magpaalam kung dadaan sa “sealanes of communication” na kinikilala ng buong mundo.

Ang Sibutu Strait anya ay isang sealane of communication at sa katunayan ay kailangan pang tiyakin ang safe passage ng mga barkong dadaan batay sa mga probisyon ng United National Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Read more...