Lorenzana, hinikayat ang mga kabataan na gayahin ang mga bayaning Pinoy

Hinikayat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga kabataan na gayahin ang ipinamalas na pagmamahal at sakripisyo ng mga bayaning Filipino para sa Pilipinas.

Kasabay ng paggunita ng Araw ng mga Bayani, sinabi ni Lorenzana na ang pinakamataas na pagkilala na maaaring ibigay ay ang pagsasabuhay ng kanilang nasimulan para sa bansa.

Naniniwala ang kalihim na malaking tulong ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para maturuan ang mga kabataan ng tamang pamamahala, disiplina, respeto at serbisyo sa bansa.

Maipagpapatuloy aniya ang kultura ng pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan ng totoong pagmamahal sa bansa at serbisyo sa kapwa-Pinoy.

Dagdag pa nito, dapat alalahanin na ang pagmamahal sa bansa ang naging pundasyon kung paano nabuo ang Pilipinas.

Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na dapat ipagpatuloy ang pagtatanggol at pagprotekta sa teritoryo mula sa lahat ng mga banta sa kaligtasan at seguridad.

Halimbawa aniya rito ang pagsasakripisyo ng buhay ng mga sundalo para mapanatiling mapayapa ang pamumuhay ng bawat Filipino.

Read more...