Kaagad na ipinag-utos ng mga otoridad ang pagpatay sa 81 mga baboy sa Guiginto, Bulacan makaraan itong makataan ng sintomas ng hog cholera at African Swine Flu (ASF).
Sinabi ni municipal veterinarian Dr. Eduardo Jose na dumaan sa pagsusuri ang mga pinatay na baboy tulad ng blood test at nagpositibo sa sakit ang mga ito.
Binayaran naman ng lokal na pamahalaan ang mga may-ari ng pinatay na baboy na kaagad ring ibinaon sa lupa para maiwasan ang pagkalat ng inpeksyon ayon pa kay Jose.
Kaugnay nito ay nakikipag-ugnayan na ang grupo ni Jose sa Bureau of Animal Industry (BAI) para sa mas malawak na inspeksyon sa ilang mga piggery sa lugar.
Nauna nang sinabi ng BAI na maghihigpit sila sa pagabbantay sa pagbyahe ng mga baboy na galing sa mga lugar na kinakitaan ng mataas na mortality rate ng nasabing alagang hayop.
Hanggang sa ngayon ay wala pang deklarasyon ang BAI kung nakapasok na nga ba sa bansa ang ASF.
Magugunitang sinabi ng Department of Health na bagaman nakamamatay sa mga baboy ang ASF ay wala naman itong direktang epekto sa mga tao.