180 nasugatan sa paputok at ligaw na bala sa NCR sa pagsalubong sa Bagong Taon

Maricar Brizuela / inquirer
Maricar Brizuela / inquirer

(update) Ilang oras makalipas ang pagsalubong sa Bagong Taon nakapagtala na ng 112 na bilang ng mga nasugatan sa paputok at ligaw na bala.

Ang nasabing bilang ay naitala sa mga pagamutan mula kaninang pasado alas 12:00 ng madaling araw hanggang ngayong umaga.

Sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City, umabot sa 39 na katao ang ginamot dahil sa firecracker injuries.

Sa Taguig-Pateros District Hospital naman, dalawang pasyente ang isinugod matapos kapwa tamaan ng ligaw na bala.

Isa sa kanila ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Samantala, sa Pasig City General Hospital, 15 pasyente ang isinugod dahil sa tinamong sugat mula sa paputok.

Sa Mandaluyong City naman 21 pasyente ang dinala kabilang ang isang 39 anyos na lalaki na nasugatan sa kwitis.

Sa East Avenue Medical Center sa Quezon City umabot na sa 73 ang naitalang firecracker-injury patients hanggang ngayong umaga.

Samantala, sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila, nasa 30 ang dinalang nasugatan dahil sa paputok.

Kabilang sa mga nasugutan ang isang nakainom na lalaki na naputukan ng piccolo at ang isang bata na tinamaan ng kwitis.

Mayroon ding dinala sa Jose Reyes na biktima ng ligaw ng bala. Isang 18 anyos ang nasugatan sa ligaw na bala na tumama sa kaniyang binti.

Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang datos ng mga naputukan sa ibang lugar sa bansa at ang datos mula sa DOH simula nang umpisahan nila ang pagbibilang noong December 21.

Ngayong araw inaasahang maglalabas ng kumpletong datos ng bilang ng mga nasugatan sa paputok at ligaw na bala ang Department of Health.

Read more...