Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 105 kilometro Silangan-Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 2 sa Batanes at Babuyan Islands.
Signal no. 1 naman sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Inaasahang tatahakin ng Bagyong Ineng ang Bashi Channel at magiging napakalapit sa Batanes ngayong umaga.
Dahil sa outer rainbands ng bagyo, mararanasan ngayong araw ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, at Cagayan kasama ang Babuyan Islands.
Bunsod ng Habagat, mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Mindoro Provinces, northern portions of Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, Aklan, Antique, Iloilo at Guimaras.
Ang mga residente sa mga nabanggit na lugar lalo na ang mga nasa mabababang lugar ay pinag-iingat sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga lugar na nasa ilalim ng storm warning signals, seaboards ng Luzon at eastern seaboards ng Visayas.
Inaasahang mamayang gabi ay nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.
Samantala, isang low pressure area (LPA) ang namuo sa layong 1,900 kilometro Silangan ng Mindanao.
Paglabas ng Bagyong Ineng sa PAR ay inaasahang papasok naman ang LPA.