Nais ni Labor Secretary Silvestre Bello III na itulad sa kasunduan sa Kuwait ang bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia para sa mga overseas Filipino workers (OFW).
Ito ay para sa proteksyon at kaligtasan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Ang plano ng kalihim ay dahil sa pag-alis o pagtakas ng mahigit 100 OFW mula sa kanilang mga amo habang ang iba ay end of contract na.
Balik-bansa na ang naturang mga Pinoy workers matapos silang mabigyan ng exit visa ng Saudi Arabia.
Ayon sa kalihim, sa ngayon ay inaayos na ang pagbabago sa umiiral na kasunduan ng bansa at Saudi.
Ilan sa mapapait na karanasan ng mga OFW sa Saudi ay tangkang pagbugaw sa kanila sa mga lalaki, sinaktan at minolestya ng amo at walang tulong na natanggap mula sa recruitment agency.