Lorenzana: Pagbalik ng Chinese survey ship sa EEZ ng bansa okay lang
Pinawi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pangamba bunsod ng pagbalik ng Chinese survey ship sa Zhang Jian sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Para kay Lorenzana, walang dahilan para maalarma dahil hindi naman magtatagal sa lugar ang naturang barko ng China.
Nakita na ng kalihim ang satellite images ng Zhang Jian at karamihan ng area nito ay sa labas anya ng EEZ ng Pilipinas sa bahagi ng Pacific Ocean.
Sa tangin ni Lorenzana ay okay lamang ang paminsan-minsan na pagdaan ng Chinese survey ship basta hindi magtatagal sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng sinabi ni Ryan Martinson ng China Maritime Studies Institute ng US Naval War College na bumalik sa EEZ ng Pilipinas ang barko.
Sa unang pagkakataon ay kinuwestyon ni Lorenzana ang pagdaan ng Zhang Jian sa EEZ ng walang abiso mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Pero sa bago nitong pahayag ay sinabi ng kalihim na walang problema sa pagdaan ng barko ng China sa naturang teritoryo.
Dagdag ni Lorenzana, hindi dapat patayin ng Chinese research ship ang Automatic Identification Systems (AIS) nito kapag dumaraan sa bansa.
Dapat anyang nakikita sa satellite kung ano ang ginagawa ng survey ship.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.