Mga senior citizen, PWD pwede nang magtrabaho sa ilang fast-food stores sa Maynila

Manila PIO photo

Maaari nang magtrabaho ang mga senior citizen at person with disabilities (PWD) sa mga sangay ng Jollibee, Chowking, Mang Inasal at Greenwich sa Maynila.

Sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno, nilagdaan ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Jollibee Foods Corp. (JFC) araw ng Biyernes na layong magbigay ng trabaho sa mga taga-Maynila na may edad 60 anyos pataas at may kapansanan.

Sa ilalim ng MOA, nasa 78 senior citizens at 39 na PWDs, partikular ang mga bingi at pipi, ang pwedeng magtrabaho sa 39 branches ng naturang fast-food stores.

Bawat isa sa 39 branches ay gagawing regular na empleyado ang isang bingi o pipi na maaaring kumita ng hanggang P5,000 kada buwan.

Bibigyan ng magaan na trabaho ang mga senior citizens sa office hour shift o mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.

Prayoridad rin ang mga aplikante na malapit o walking distance lang ang bahay sa branch ng Jollibee, Mang Inasal, Greenwich at Chowking.

Una nang nakiusap si Mayor Isko sa mga fast-food chain sa lungsod na bigyan ng pagkakataon na magtrabaho ang mga senior citizen at may kapansanan habang kaya nila.

Pinakiusapan lang ng alkalde ang mga nakatatanda at PWD na pagbutihin ang kanilang trabaho para hindi mapahiya ang syudad ng Maynila

Read more...