Bagyong Ineng lumakas pa habang kumikilos pa-Southern Taiwan – Batanes Area
Bahagya pang lumakas ang Severe Tropical Storm Ineng habang kumikilos patungong Southern Taiwan – Batanes Area.
Ayon sa severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 260 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Kung hindi magbabago ang kilos ng bagyo, bukas ng gabi (August 24) ay makakalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 2 sa Batanes at Babuyan Islands.
Signal no. 1 naman sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Bukas, inaasahang dadaan sa Bashi Channel ang bagyo at magiging malapit sa Batanes.
Mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, at Bataan.
Mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Cagayan, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Mindoro Provinces, at northern portions ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands.
Mapanganib at ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa seaboards ng mga lugar na may tropical cyclone warning signals, eastern seaboards ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.