Isang Linggo matapos mapaulat ang pagkawala ng 33 anyos na si Tania Camille Dee, bank teller sa Binondo, Manila, natagpuan ang katawan nitong nakabaon sa likod bahay sa Barangay Balibago, Angeles City.
Una nang napaulat ang pagkawala ni Dee isang araw matapos siyang makipagkita sa kaniyang dating asawa na nakilalang si Fidel Sheldon Arcenas.
Simula noong June 21, kumalat sa social media ang mga larawan ni Dee para ipanawagan ang pagkawala nito.
Matapos mapag-alaman ang pagkawala ni Dee, isang Regina Dychioco ang nagtungo sa Pampanga Criminal investigation and Detection Team (CIDT) noong Sabado ng gabi.
Sa pahayag ni Dychioco sa mga pulis, nabanggit umano sa kaniya ng anak niyang si Angela na posibleng si Dee ay patay na at maaring inilibing sa likod ng bahay na nirerentahan ni Dychioco sa Lilian Street Sta. Maria Subdivision.
Si Angela ay girlfriend umano ni Arcenas.
Ayon kay Dychioco, ang anak niyang si Angela at si Arcenas ay nanghiram sa kaniya ng susi ng nasabing bahay ilang linggo na ang nakararaan. Isinauli lamang aniya ni Arcenas ang susi sa kaniya noong June 26.
Noong gabi ding iyon matapos magsumbong sa pulisya si Dychioco ay nagtungo ang mga tauhan ng CIDT sa kaniyang tahanan kasama ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Angeles City crime laboratory office.
Ala una ng madaling araw na ng Linggo nang mahukay ang katawan ni Dee sa likod bahay. Isang metro lamang ang lalim ng hukay na pinagbaunan sa katawan ng biktima.
Nakasuot ito ng denim pants, striped na T-shirt at nakabalot ng towel at plastic garbage bag ang mukha.
Ayon sa mga kaanak ni Dee, pinayagan nila itong makipagkita sa dating asawa dahil sa pangakong bibigyan daw ito ng kotse na magagamit niya at ng dalawa nilang anak.
Matapos matagpuan ang katawan ni Dee, agad nagtungo ang mga tauhan ng CIDT sa tahanan ni Arcenas sa Barangay Cutcut pero hindi na nila ito inabutan./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.