Binalaan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga nagbebenta ng mga nakakalasing’ na inumin, partikular na ang ‘Alcopops’ sa mga menor de edad.
Ang kautusan ay base sa mga ulat na nakakabili ang mga bata ng ‘Alcopops,’ isang uri ng inumin na napapagkamalang juice ngunit may taglay na alcohol.
Pinansin din na ang mga naturang inumin ay katabi lang ng juice drinks at non-alcoholic beverages.
Base sa inilabas na pahayag ng ahensiya, para matiyak ang kalusugan at kapakanan ng mga bata, pinaalahanan ang mga tindahan, supermarkets, grocery stores at convenience stores na huwag bentahan ng ‘Alcopops’ ang mga wala pa sa hustong gulang.
Nagpaalala rin ang FDA sa mga tindahan na maglagay ng signages sa kanilang establismento na hindi sila nagbebenta ng alak o anumang nakakalasing na inumin sa mga menor de edad.
Kailangan ding tiyakin na nasa tamang edad na ang bumibili ng alak.