Epekto sa ekonomiya ng ASF, dapat paghandaan – Sen. Recto
Paano na ang pambansang handa sa piyesta, ang pambansang pulutan, ang kinahiligan na almusal?
Ito ang tanong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa paniniwalang maapektuhan ang suplay ng lechon, sisig, tocino, longganisa at maging ang adobo kapag naapektuhan ang suplay ng karne ng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Recto, bagamat may protocols na ang Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) kapag tumama ang naturang sakit sa bansa, dapat din aniyang ikunsidera ang magiging epekto nito sa ekonomiya.
Binanggit ng senador na P280 bilyon ang halaga ng industriya ng baboy sa bansa at pang-walo ito sa buong mundo.
Pagdidiin nito, dapat ay mapaghandaan na ang worst-case scenario kapag mananalasa na rin ang delikadong sakit sa mga baboy sa bansa.
Dagdag pa ni Recto, ang dapat na unang ikunsidera ay ang ibibigay na tulong sa mga maapektuhang hog-raiser.
Sinabi ni Recto na hindi kasama sa mandato ng kalihim ng DA ang magtalaga ng tulong sa libu-libong bibig na umaasa sa industriya ng baboy sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.