Programa ng DTI upang matigil na ang 5-6, hiniling isabatas
Hinikayat ng Department of Trade and Industry ang Kamara na gawin ng batas ang Pondo sa Pagbabago at Pag Asenso o P3 para mapahinto na ang 5-6.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na bukod sa alternatibong pagkukuhanan ng kapital, pangunahing layunin ng P3 na tuluyang buwagin ang 5-6 na kadalasang takbuhan ng maliliit na negosyante gaya ng market vendors, sari-sari store owners, stall owners, at iba pa.
Binanggit ni Lopez na nasa P4 billion ang kailangan kada taon para sa implementasyon ng nasabing programa ng gobyerno.
Ang P3 ay isang inisiyatibo ng pamahalaan para matulungan ang mga pinaka-maliliit na negosyante sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng murang pautang na mayroon lamang 2.5% na interes kada buwan.
Para sa 2020, naglaan ang DTI ng P1.3 billion para sa development program ng micro, small and medium enterprises.
Sa ilalim ng programa, maaaring makahiram mula P5,000 hanggang P300,000 depende sa laki at kakayahang magbayad ng isang negosyante.
Matatandaang noong 17th Congress ay ipinasa ng Kamara ang P3 bill pero hindi naaprubahan ang counterpart version sa Senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.