PNP: Pagpapalaya kay Sanchez at sa 11,000 pang inmates hindi banta sa seguridad
Hindi magiging banta sa seguridad ang rapist at murderer na si Antonio Sanchez at 11,000 pang bilanggo ng National Bilibid Prisons (NBP) kung sila ay makalaya.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, matapos makulong ng mahabang panahon, naniniwala ang pulisya na hindi na banta ang mga convicts sa lipunan.
“After having served their time in the Corrections facilities, we believe that they are no longer security threats in the community,” ani Banac.
Gayunman, mananatili anyang handa ang pulisya na arestuhin ang mga ito at ibalik sa detention facilties sakaling bumalik sa masasamang gawi.
Giit ni Banac, may paraan para mabantayan ang mga dating bilanggo sa ilalim ng criminal justice system ng bansa.
Ang napipintong paglaya ni Sanchez at ng iba pang bilanggo ay dahil sa RA 10592 o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na nagpapababa sa kanilang sentensya dahil sa ‘good behavior’ na ipinakita habang nasa kulungan.
Gayunman, mariing kinukwestyon ngayon ang paglaya ni Sanchez dahil sa mga paglabag na ginawa habang nakakulong.
Kabilang dito ang mga insidente kung saan nakuhaan ito ng marijuana at shabu sa detention cell noong 2006, bukod pa sa itinagong 1.5 kilo ng shabu sa imahen ng Birheng Maria noong 2010 at pagkakabilang sa listahan ng NBP inmates na positibo sa droga.
Nahuli rin si Sanchez taong 2015 na tila may marangyang buhay sa loob ng kulungan matapos mamataang may aircon, flat screen TV at refrigerator.
Si Sanchez ang mastermind sa rape-slay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.