Imbestigasyon ng Senado sa isyu ng paglaya ni Sanchez welcome kay Guevarra
Naniniwala si Justice Secretary Menardo Guevarra na magandang pagkakataon ang nakaambang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng paglaya ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Welcome kay Guevarra ang plano ni Senator Franklin Drilon na paghahain ng resolusyon para imbestigahan ang isyu.
Ayon sa kalihim, isa itong tamang hakbang para muling masuri ang pagbuo ng batas na pagbabatayan sa posibleng paglaya ni Sanchez.
Nais ni Drilon na ihinto ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalaya sa dating alkalde sa gitna ng ikakasang imbestigasyon ng Senado.
Una nang dumistansya si Guevarra sa isyu at sinabing ipapatupad lamang ang Republic Act 10592 na magdaragdag ng “good conduct time allowance” (GCTA) ng inmate.
“He doesn’t have to threaten this department. The conduct of a legislative inquiry is most welcome as the people are reacting to the effects of the law that the Congress itself enacted in 2013,” ani Guevarra.
Katwiran pa nito, sa desiyon ng Korte Suprema noong Hunyo ay inutusan ang DOJ at Bureau of Corrections (BuCor) na agad ipatupad ang batas.
Nilinaw naman ni Guevarra ang ulat na nakahanda na ang paglaya ni Sanchez dahil aalamin pa anya ng BuCor kung kwalipikado ito sa GCTA.
“I have given direct instructions to [Faeldon] that the review of the GCTA for those charged with high profile or heinous crimes may be computed with a lot of care, a lot of caution, a lot of circumspection,” dagdag ng kalihim.
Sa hiwalay na panayam ay sinabi naman ni BuCor chief Nicanor Faeldon na hindi pa mapapalaya ang naturang convict dahil sa good conduct bunsod ng mga dati nitong paglabag kabilang ang nakumpiskang droga sa kubol nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.