Bagyong Ineng bahagyang lumakas, hindi pa rin tatama sa lupa
Bahagya pang lumakas ang Tropical Storm Ineng habang nasa Silangan ng bansa.
Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 585 kilometro Silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Bukas, araw ng Biyernes, ang outer rainbands ng bagyo ay magdudulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte at Apayao.
Dahil sa hinahatak na Southwest Monsoon o Habagat ng bagyo, mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa:
– Metro Manila
– Central Luzon
– Cavite
– Batangas
– Mindoro Provinces
– northern portions ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands
– nalalabing bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Hindi pa rin inaasahang tatama sa kalupaan ng bana ang bagyo ngunit lalakas pa ito at magiging Severe Tropical Storm sa loob ng 12 hanggang 24 oras.
Mapanganib at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga lugar na nasa signal no. 1 at sa eastern seaboards ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas.
Posibleng sa pagitan ng Sabado ng gabi o Linggo ng umaga ang bagyo lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.