Duterte ibinalik na ang operasyon ng STL ayon sa PCSO

Joan Bondoc

Inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ibinalik na ang small town lottery (STL) matapos tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon sa operasyon nito.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, ang desisyon ng pangulo ay kasunod ng kanilang rekomendasyon na tanggalin na ang suspensyon sa STL operation.

“Pursuant to the recommendations of the Philippine Charity for Sweepstakes Office, the President lifted the suspension of operations of STL authorized agent corporations that are compliant with the conditions of their STL agency agreement and has been remitting its guaranteed minimum retail receipts,” pahayag ni Garma sa video na naka post sa Facebook page ng PCSO Huwebes ng gabi.

Pero sinabi ni Garma na mayroong mga kundisyon para sa pagbabalik ng operasyon ng STL.

Una sa mga kundisyon ay kailangan na magdeposito ng cash bond ang Authorized Agent Corporations (AAC) na katumbas ng 3 buwan ng share ng PCSO sa “guaranteed minimum monthly retail receipts” (GMMRR).

Isa pang kundisyon ay ang pagkawala ng cash bond kapag nabigo ang AAC na mag-remit ng share sa pamahalaan sa tamang oras.

Pangatlo anya ang ay dapat na may kasulatan mula sa AAC na susunod ito sa mga obligasyon nito sa ilalim ng kasunduan, hindi maniningil sa sa gobyerno o kukuha ng temporary restraining order (TRO) sa korte laban sa mga karapatan ng pamahalaan.

Sinabi ni Garman na ang AAC na lalabag sa mga kundisyon ay matatanggalan ng STL agency agreement.

Samantala, sa hiwalay na panayam ay kinumpirma ng Malakanyang ang pagtatanggal ng suspensyon sa operasyon ng STL.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, magiging epektibo ang utos ng pangulo matapos maisapubliko ang mga alituntunin at dapat na masunod ang mga inilatag na kundisyon.

Matatandaan na ipinatigil ng pangulo ang operasyon ng lahat ng PCSO games noong Hulyo dahil umano sa malawakang katiwalian sa ahensya.

Una nang ibinalik ang operasyon ng Lotto at sa ngayon ay nanatiling bawal ang Keno at Peryahan ng Bayan.

Read more...