Bagyong Ineng lumakas pa; Tropical Cyclone Signal Number 1 itinaas sa 8 lugar sa bansa
Lumakas pa ang tropical depression Ineng at patuloy na nagpapaulan sa Bicol Region at Eastern Visayas area.
Sa 11AM weather bulletin ng PAGASA ang bagyo ay huling namataan sa layong 725 km East ng Casiguran, Aurora.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 90 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers bawat oras sa direksyong West Northwest.
Itinaas na ng PAGASA ang signal number 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Group of Islands, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte dahil sa epekto ng bagyo.
Ngayong araw, sinabi ng PAGASA ang bagyong Ineng ay magdudulot ng katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Bicol Region, Northern Samar at Quezon Province.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan naman ang ihahatid ng Habagat sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, northern Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands, Antique at Aklan.
Bukas araw ng Biyernes (Aug. 23) ang bagyong Ineng ay maghahatid ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Babuyan Group of Islands, Isabela, Aurora, at Quezon.
Mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan naman ang ihahatid ng Habagat sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Northern at Central Luzon, Cavite, Batangas, northern Palawan kabilang ang Calamian and Cuyo Islands, Antique at Aklan.
Maliit pa rin ang tsansa na tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Ineng, pero maaring lumakas pa ito at maging isang severe tropical storm sa susunod na 24 na oras.
Lalabas ng bansa ang bagyo sa Sabado ng gabi o sa Linggo ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.