Bagyong Ineng napanatili ang lakas, tropical cyclone wind signal posibleng itaas ng PAGASA sa ilang bahagi ng bansa

Huling namataan ang Tropical Storm Ineng sa layong 840 kilometers East ng Casiguran, Quezon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 80 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong west northwest sa bilis na 15 kilometers bawat oras.

Ngayong araw, maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa Bicol Region, Aurora at Quezon dahil sa outer rain bands ng bagyong Ineng.

Katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Mindoro Provinces dahil sa Habagat.

Habang mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Group of Islands, buong Visayas, nalalabing bahagi ng Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA dahil din sa Habagat.

Sa Mindanao, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin ang iiral at magkakaroon lamang ng isolated na pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.

Samantala nakataas naman ang gale warning sa baybaying dagat ng sumusunod na mga lugar:

– Camarines Provinces
– Catanduanes
– Eastern coast ng Albay
– Eastern coast ng Sorsogon
– Northern Samar
– Eastern Samar
– Leyte
– Quezon kabilang ang Polilio Island
– Surigao del Norte
– Siargao
– Dinagat Islands

Maliit pa rin ang tsansang tatama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Ineng.

Gayunman, habang papalapit ang bagyo sa extreme northern Luzon ay maaring magtaas ng tropical cyclone wind signal ang PAGASA.

Sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga ay inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo.

Read more...