Duterte sinisi ang ‘atribidang’ babaeng pulitiko sa problema ng trapik sa EDSA
Sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang anyay “atribidang” babaeng pulitiko kaya bigo ang gobyerno na solusyunan ang problema ng matinding trapik sa EDSA.
Sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya ng solar power project sa Romblon Miyerkules ng gabi, sinabi ng Pangulo na pabayaan na lamang na mabulok ang EDSA dahil wala siyang emergency powers para tugunan ang problema.
Ayon sa Pangulo, ang iniisip kasi ng naturang babaeng pulitiko ay corrupt ang lahat ng opisyal ng gobyerno.
“Si [Transportation Secretary Arthur] Tugade, sabi: ‘We need to borrow for EDSA, because we need money to move just one stall there’. Ang hinihingi nila emergency powers. Here comes a lady, atribida tawag ko diyan eh. It’s good to be honest. It’s good to be a crusading public official. No doubt about it you will be appreciated. Pero kung sumobra ka and you think all elected public officials are corrupt, eh ’di wag na. Let EDSA rot there,” ani Pangulong Duterte.
Matatandaan na unang sinabi ng Pangulo na kailangan niya ang emergency powers para magkaroon ng pondo para sa mga proyekto na magreresolba sa trapik sa Metro Manila kabilang ang EDSA.
Hindi pinangalanan ng Pangulo ang babaeng pulitiko pero si Senator Grace Poe, na chairperson ng Senate Committee on Public Services, ang tumatalakay sa isyu ng transportasyon partikular ang trapik sa EDSA.
Noong 17th Congress ay nagsagawa ng mga pagdinig ang komite ni Poe ukol sa panukalang emergency powers para sa Pangulo.
Sinabi ng senadora na kailangan munang magsumite ang Department of Transportation (DOTr) ng listahan ng mga proyekto at traffic management plan para maiwasan ang epekto ng mga infrastracture projects sa matinding trapik.
Ikinatwiran pa ni Poe na hindi maaaring “blanket” ang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.