Ex-Pres. Noynoy Aquino, hindi nakadalo sa ika-36 taong kamatayan ng ama

Inquirer file photo

“He’s not okay”

Ito ang isiniwalat ng aktres na si Kris Aquino kung bakit hindi nakadalo si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa paggunita sa ika-36 taong kamatayaan ng ama.

Sa idinaos na programa sa puntod ng ama sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, sinabi nito na wala siyang kalayaan para sabihin kung ano ang pinagdadaanan ng dating pangulo.

Iniutos pa aniya sa kanya na huwag nang magbigay ng maraming detalye kung bakit hindi nakadalo ang kapatid.

Ngunit, nais aniya niyang malaman ng lahat ang katotohanan.

Kasunod nito, isiniwalat ni Kris na naging mahirap ang nakalipas na tatlong taon para sa nakatatandang kapatid.

Matatandaang mayroong kinakaharap na mga kaso si Aquino na may kinalaman sa Dengvaxia vaccine, Disbursement Acceleration Program (DAP) at Mamasapano operation noong 2015.

Ani Kris, tahimik na dinidibdib ng kapatid ang lahat ng mga paninira at kasinungalingan tungkol dito.

Dahil dito, sinabi ni Kris na siya mismo ang makakatapat ng mga kritiko para ipaglaban ang kaniyang kapatid.

Nakiusap din si Kris na isama ang dating pangulo sa mga panalangin dahil kailangan aniya nito ng sapat na lakas para maging maayos ang kalusugan.

Read more...