Pumirma ang Filipino-American singer na si apl.de.ap ng grupong Black Eyes Peas ng kasunduan para mag-performa sa 30th Southeast Asian Games na gagawin sa Pilipinas simula sa Nobyembre.
Sa video na ibinahagi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), makikita ang paglagda ni apl.de.ap ng kasunduan bilang bahagi ng naturang sports event.
Ang singer, na Allan Pineda Lindo sa tunay na buhay, ay magiging bahagi ng torch relay sa New Clark City bukod sa performance nito sa opening at closing ceremonies.
Sa press conference araw ng Martes ay binanggit ng singer na sa kanyang birthplace na Sapang Bato, sa Angeles, Pampanga ay mayroon silang bagong stadium na kanyang ipinagmamalaki.
Pabiro naman nitong sinabi na baka makasama niya sa performance ang kanyang grupo na Black Eyed Peas.
Ayon kay apl.de.ap, marami na siyang nasamahan na sports events pero ang SEA Games ang isa sa mga pinaka-importante dahil siya ay proud Pinoy at gagawin ito sa Pilipinas.