MILF, hindi tatanggapin ang bagong bersyon ng BBL

By Kathleen Betina Aenlle December 31, 2015 - 01:16 AM

bblWalang ibang balak tanggapin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na bersyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL), kundi iyong orihinal na draft nito.

Nanindigan si MILF chair Murad Ebrahim na hindi nila tatanggapin ang bago at umano’y ‘watered-down’ nang bersyon ng (BBL) na Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR).

Katwiran ni Ebrahim, mawawalan ng pagkakaiba ang itatayong pamahalaang Bangsamoro sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) oras na maipatupad ang anumang bersyon na hindi alinsunod sa orihinal na draft ng ipinanukalang batas.

Bukod sa kaniyang paninindigan tungkol dito, ipinahayag rin ni Ebrahim na kung hindi maipapasa ang BBL sa February, malabo na itong maipasa sa mga susunod bang buwan.

Aniya, bukod sa tinatayang anim na linggo na lang ang nalalabi para sa Kongreso oras na mag-balik sesyon ito sa January 18, 2016, nakatitiyak si Ebrahim na mahihirapan ang mga ito na makabuo ng quorum dahil sa papalapit na panahon ng kampanya.

Pareho naman ang pananaw ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) kay Ebrahim, dahil anila naman, pag masyado pang tinapyasan at binago ang panukalang batas, wala nang ipagkakaiba ito sa isang ordinaryong lokal na pamahalaan.

Samantala, pareho namang kumpyansa sina Sen. Ferdinand Marcos Jr. at Rep. Rufus Rodriguez na maipapasa ang BBL sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Enero.

TAGS: bangsamoro basic law, BBL, BLBAR, moro islamic liberation front, bangsamoro basic law, BBL, BLBAR, moro islamic liberation front

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.