Kamara naghahanda na sa paghimay sa 2020 national budget
Mag-aadjust ng oras ang Kamara sa plenary sessions para bigyang daan ang isasagawang marathon hearings sa 2020 proposed national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, mula alas-tres ay ililipat na sa alas-singko ng hapon ang sesyon upang mapagkasya ang apat na budget hearings sa loob ng isang araw.
Bukas, sa paggunita sa Ninoy Aquino Day ay magsasagawa ng majority caucus ang mababang kapulungan para plantsahin ang schedule at upang paalalahanan ang mga mambabatas na mag-o-overtime sila sa trabaho.
Pahihintulutan pa rin ang mga committee hearings na walang kinalaman sa General Appropriations Bill subalit otomatiko na itong kakanselahin kapag nakasalang na sa plenaryo ang budget.
Paliwanag ng Speaker, hindi nila binabali ang tradisyon sa Kamara kundi nais lamang na pabilisin ang budget process at maging flexible lalo’t nasa transition period pa lamang ang 18th Congress matapos ang midterm elections.
Kapag natapos na sa committee level ang budget at naisumite na ang committee report ay saka naman magdedesisyon ang Kamara hinggil sa oras ng sesyon dahil dedepende ito sa pag-usad ng tax measures na kabilang sa priority agenda ng administrasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.