Mga poultry at livestock sa Cagayan sinuri sa bird flu at FMD
Para matiyak na ligtas ang mga nabibiling poultry at livestock products sa lalawigan ng Cagayan, nagsagawa ng blood at cloacal swab collection ang Provincial Veterinary Office (PVO) sa limang bayan sa lalawigan para sa taunang monitoring nito.
Layon nitong mapanatiling Bird Flu free at Foot and Mouth Disease (FMD) free ang poultry at livestock sa Cagayan.
Ayon kina Dr. Wilfredo Iquin at Dra. Myka Ponce, bilang team leader ng dalawang grupo ng PVO, ang nasabing aktibidad ay taunang isinasagawa sa mga bayan at sa partikular na mga barangay na may mga malapit na lawa dahil sa mga ganitong lugar napapadpad ang mga ibon mula sa ibang bansa na nagdadala ng sakit na bird flu.
Sinabi ni Dr. Iquin na ang mga lugar kung saan nagsagawa ng blood at cloacal swab collection ay sa Cabuluan at Zitanga sa Ballesteros; Langagan at Dagueray sa Sanchez Mira; Pata East Claveria, Bukig at Paddaya sa Aparri at Minanga sa Camalaniugan.
Iginiit naman ni Dra. Ponce na umaabot sa 185 mga pato at itik ang nakuhanan ng dugo at cloacal swab para sa bird flu samantalang 90 na mga kambing, baka, kalabaw at baboy ang nakuhanan rin ng dugo para sa FMD.
Ang mga nakuhang dugo at cloacal swab ay dadalhin sa Maynila para sa laboratory test at malalaman ang resulta nito pagkatapos ng isang linggo.
Nitong mga nakaraang taon ay wala pang naging positibo sa kanilang monitoring.
Samantala, sa susunod na linggo ay maaring sa mga bayan ng Allacapan, Lal-lo, Sta. Ana, Buguey, Alcala, Peñablanca, Rizal at Enrile nan isasagawa ang monitoring para sa bird flu maging ang foot and mouth disease.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.