Kaso ng dengue sa Taguig tumaas ng 102% ngayong taon
Dumoble ang kaso ng dengue sa lungsod ng Taguig sa unang walong buwan ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2018 ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon sa pinakahuling datos ng DOH, mula January 1 hanggang August 3 ay pumalo sa 490 ang dengues cases sa Taguig, mas mataas ng 102 percent mula sa 243 kaso noong nakaraang taon.
Pinangangambahan ang kaso ng sakit sa lungsod dahil nasa above epidemic threshold na ito.
Samantala, malaki rin ang naitalang pagtaas ng dengue cases sa Malabon City na umabot na sa 513 mula sa 282 noong 2018.
Ayon pa sa DOH, tumaas din ang kaso ng mosquito-borne disease sa Parañaque, Pasay, Mandaluyong, Las Piñas, Muntinlupa, Navotas, Makati at San Juan.
Sa pinakahuling tala ng DOH Metro Manila Center for Health Development, umabot na sa 11,123 ang dengue cases sa Metro Manila hanggang August 10.
Dahil dito, lampas na sa dengue alert threshold ang Metro Manila.
Sa Quezon City, bagamat pinakamarami ang nasawi sa 24, bumaba naman ang bilang ng kaso ng dengue ng 15 percent o 3,502 cases hanggang nitong August 10 kumpara sa 4,520 noong nakaraang taon.
Samantala, tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III ang kakayahan ng mga ospital sa pagdasa ng mga dengue patients.
Sa isang panayam, sinabi ni Duque na nariyan din ang Philippine Red Cross (PRC) para umayuda sa mga panahon tulad ngayon na may krisis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.