Ganito isinalarawan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging pahayag ni Chinese ambassador Zhao Jianhua na paano kung ang mga overseas Filipino worker (OFW) ang espiya sa China.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Lorenzana na hindi maikukumpara ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) workers sa mga OFW sa China.
Dumating aniya ang mga POGO worker nang mayroong iba’t ibang layunin at kalaunan ay nakakuha ng working visa sa mga aktibidad sa POGO centers na ipinagbabawal sa China.
“Knowing that Chinese Companies are mandated by the Chinese government to assist in intel collection for their government, it is not far fetched that individuals, likewise, could be compelled to do so,” pahayag ni Lorenzana.
Giit pa nito, pumunta ang mga OFW sa China nang may lehitimong trabaho kasama ang Chinese visa.
Katulad aniya ang OFWs ng mga Chinese na nagtatrabaho sa construction projects sa Pilipinas na kapwa-aprubado ng China at Pilipinas.
Iginiit din ng kalihim na nagtatrabaho ang mga OFW sa iba’t ibang bahay at paaralan na malayo sa mga kampo ng militar at pulis sa China.
Samantalang sa kaso ng POGO workers sa Pilipinas, malapit aniya ang mga ito sa kampo ng militar at pulis sa bansa.
Nakaaalarma lang aniya ang pagiging potensyal nito na pagkuha ng impormasyon sa mga kampo.
Dagdag pa ni Lorenzana, suportado nito ang relokasyon sa mga POGO center sa eco zones na hindi malapit sa mga kampo ng militar.