Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Susan “Toots” Ople ng Blas Ople Foundation na bagaman tinulungan ng gobyerno ang pamilya ni Joselito Zapanta para makapangalap ng blood money, hindi ito naging sapat upang mailigtas sa bitay ang OFW sa Riyadh.
Nasa P50 milyon ang hinihingi ng pamilya ng Sudanese na napatay ni Zapanta, pero naibaba ito sa P48 milyon.
Umabot naman ng P23 milyon ang ibinigay ng pamahalaan subalit ipinaubaya nito sa pamilya Zapanta ang pangangalap ng karagdagang P25 milyon.
Kuwento ni Ople, nakakalungkot na ibinigay ng gobyerno sa pamilya Zapanta na maglikom ng nalalabing blood money sa kabila ng kundisyon nito sa buhay. “Yung DFA ang sabi sa pamilya Zapanta, it’s very urgent na i-raise ninyo yung nalalabi na P25 million,” ani Ople.
Dagdag pa niya, sa sobrang hirap ng Pamilya Zapanta, na binigyan lamang ng 2 hanggang 3 linggo para masagip si Joselito ay lubhang napakahirap. “Kahit na dagdagan mo yung palugit, unless marami kang kakilalang milyunaryo, saan mo uumpisahan yung 25 million?”
Ayaw naman magturo ni Ople kung sino ang dapat sisihin, pero sinabi niyang malinaw na may pagkakamali o may kakulangan lalo na sa sistema ng pamahalaan sa pagtulong ng ating mga kababayan na nahaharap sa kaso sa ibang bansa.
“Not to point fingers to anyone, kung ikaw yung nanay gugustuhin mong ma-raise yung amount na ‘yun pero hindi nila alam kung paano. So sana kung tumulong ka ng ganito, kalahating milya, sana binuo mo na ng isang milya na masagip yung pamilya kasi, let’s face it, sino ba ang may kapasidad sa atin?”
Isa pang ikinalulungkot ni Ople ay siya pa mismo ang nagbalita sa pamilya na binitay na si Joselito kahapon.