Tulong-tulong na inilagay ng US at Philippines military divers, local government workers at non-government organizations ang artificial habitat reefs sa Brgy. Hukay, Calatagan, Batangas.
Sa isang pahayag, araw ng Biyernes, sinabi ng US Embassy sa Maynila na anim na US military divers kasama ang limang support crew members ang lumahok sa proyekto.
Ang proyekto ay tinatawag na ‘Operation Pamamalakaya’ kung saan 30 jackstone-type artificial habitat reefs na gawa sa simpleng construction materials ang inilagay sa dagat.
Magsisilbi ang reefs bilang shelter, food sources at breeding areas para sa wildlife.
Ayon sa US embassy, kalaunan ay mababalot ng coral ang mga istruktura na magpapayabong sa marine life at magpapaganda sa hanapbuhay ng mga mangingisda.
Sinabi naman ni Lieutenant Colonel Engelberto Nioda Jr. ng Philippine Air Force na ang artificial reef planting ay isang ‘lifesaving human endeavor’.
Tiniyak ng US embassy na patuloy bilang pinakamatagal na kaalyado ng Pilipinas ang US, patuloy ang kanilang suporta sa mga komunidad sa pamamagitan ng marine conservation projects.