Acosta ipinababasura ang reklamong graft laban sa kanya

Hiniling ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta sa Office of the Ombudsman na ibasura ang reklamong graft laban sa kanya.

Nakasaad din sa mosyon na inihain ni Acosta araw ng Biyernes na dapat ibasura ang manifestation na galing umano sa mga abogado ng PAO na humihiling na siya ang suspendihin.

Iginiit ni Acosta na walang sapat na ebidensya na ginamit niya ang isyu ng Dengvaxia para bigyang katwiran ang pagbili ng dagdag na mga kagamitan sa tanggapan ng PAO.

Ayon pa sa PAO chief, dapat ma-strike out ang anonymous manifestation dahil wala itong naiprisintang ebidensya.

Itinanggi rin nito ang alegasyon na siya at si PAO forensic expert Dr. Erwin Erfe ay naglustay ng pondo ng bayan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Atty. Wilfredo Garrido Jr. noong April 11 at kalaunan ay lumabas ang manifestation na inilabas ng nagpakilalang mga PAO lawyers na nais masuspinde sina Acosta at Erfe.

Una nang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na masusi nilang pag-aaralan ang mga reklamo laban sa dalawa batay sa ebidensya ng dalawang panig.

Bukod sa graft, nahaharap sina Acosta at Erfe sa reklamong falsification, malversation at mga administrative charges.

 

Read more...