MMDA spokesperson Celine Pialago: Hindi namin dini-discriminate ang mahihirap
Halos maiyak na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Assistant Secretary at Spokesperson Celine Pialago sa mga kritisismong natatanggap mula sa mga opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y ‘anti-poor’ na mga polisiyang ipinatutupad para masolusyonan ang matinding trapiko sa Metro Manila.
Sa kanyang mahabang pahayag sa Facebook, kwinestyon ni Pialago ang tila laging pag-highlight ng mga opisyal ng gobyerno na nabibiktima ng MMDA ang mga mahihirap.
Iginiit ng MMDA official na lahat ng polisiyang ipinatutupad ng ahensya ay dumaan sa masusing pag-aaral at pinagbobotohan ng Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde.
Ipinaliwanag ni Pialago ang silbi ng yellow lane policy at kung bakit kailangan itong istriktong maipatupad.
Sa pamamagitan umano ng yellow lane ay madaling mabibisto ang mga kolorum at organisado ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero.
Sinabi pa ni Pialago na malaki rin ang epekto sa daloy ng trapiko ang patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa Metro Manila, pagkakaroon ng vehicular accidents, illegally parked vehicles, lagay ng panahon, urbanisasyon, malls sa EDSA at iba pa.
Sa loob din anya ng 40 taon ay walang idinagdag na imprastraktura para mapaganda ang pagmando sa trapiko gayong patuloy ang pagdamit ng mga sasakyan.
Ayon kay Pialago, hindi naman titigil ang MMDA sa paghanap ng mga hakbang para masolusyonan ang trapiko sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.