Random drug testing isinagawa sa PUP; maraming estudyante umalma

Cris Vilchez photo

Isinailalim sa random drug tests ang nasa 800 estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Sta. Mesa araw ng Huwebes.

Ayon kay PUP President Emmanuel de Guzman, ang drug testing ay bilang pagtalima sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum No. 18 Series of 2018 na nag-uutos na magsagawa ng drug tests sa mga estudyante ng lahat ng Higher Education Institutions (HEIs).

Nauna nang inanunsyo ang drug test sa PUP dahil kasama ito sa mga bagong probisyon na nais ilagay sa Student Handbook.

Ayon sa post ng The Engineering Spectrum, ang official publication ng PUP College of Engineering, ilan sa mga estudyante ay ‘randomly’ na tinawag sa mga klase at inilipat sa isang kwarto para mapaliwanagan sa ginawang drug test.

Matapos ito ay pinapunta sa Mabini Campus ang mga estudyante para sa aktwal na proseso.

Iginiit ni De Guzman na hindi bigla-bigla ang pagkuha sa mga mag-aaral sa kanilang classrooms at alam ng student population at ng mga magulang ang bagay na ito.

Sinalubong naman ng rally ng ilang mga grupo at college student councils ang pagsasagawa ng drug test.

Kwinestyon ng ilan sa mga estudyante ang presensya ng mga pulis sa pamantasan at ang pag-una pa sa drug test kaysa sa mga pangangailangan sa pasilidad.

Ayon kay De Guzman, ilan sa mga mag-aaral ay takot sa drug test dahil sa pangamba na dayain ang resulta.

Tiniyak naman ng university president na hindi isasabotahe ang test results.

Ani De Guzman, ang mga magpopositibo ay hindi tatanggalin sa pamantasan at isasailalim lamang sa rehabilitasyon na mismong PUP ang magbabayad.

Ang mga tatanggi naman sa drug test ay hindi na papayagan na mag-enroll muli.

Sa ngayon, dalawang estudyante ang tumangging sumailalim sa drug test.

Samantala, 200 empleyado at faculty rin ang lumahok sa pagsusuri.

Read more...