LJM, ‘Stalwart of the mosquito press’ – Aquino

 

Inquirer file photo/MJ Cayabyab

‘Stalwart of the mosquito press’.

Ganito tinawag ni Pangulong Benigno Aquino III si yumaong Philippine Daily Inquirer editor-in-chief Letty Jimenez-Magsanoc.

Sa kaniyang eulogy sa lamay ni Masanoc, ipinahayag ng Pangulo kung gaano siya nagulat at hindi makapaniwala nang mabalitaan niya ang pagpanaw ni LJM, na tinatawag niyang “Tita Letty.”

Para sa Pangulo, naging isang masugid na tagasuporta at icon ng ‘mosquito press’ o mga pahayagan o mamamahayag na matapang na bumabatikos noong rehimeng Marcos si Magsanoc.

Ang terminong mosquito press ay pinasimulan mismo ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, para tukuyin ang mga mamamahayag na aniya’y masakit kumagat sa una pero madaling takpan.

Isa rin aniya si Magsanoc sa matatapang na kababaihan na kung minsan ay mas matapang pa kaysa mga kalalakihan sa pag-batikos sa diktadurya.

Inalala naman ni Pangulo ang ‘signature look’ ni LJM, na parang isang terror na guro sa paaralan na sa tuwing makikita niya ay kinakabahan siya dahil baka may sermon na naghihintay sa kaniya.

Gayunpaman, hindi rin naman aniya natatagalan ni LJM ang ganoong mataray na hitsura dahil bigla rin itong ngingiti sa kaniya, na siya namang magpapa-ibsan ng kaba ng Pangulo.

Ani Pangulo, sa kabila ng katapangan na nakikita ng mga tao kay LJM, mayroon pa rin siyang malambot at maalagang puso.

Nasa isip lamang ng Pangulo ngayon, na sana ang kahulugan ng mga ngiting ipinakita sa kaniya ni LJM at ang pagka-tuwa o pagka-kuntento nito sa kaniyang mga pagsisikap sa mga pagsubok na kaakibat ng pagiging presidente ng bansa.

Aniya, karapatdapat lamang na ipanalangin ang pasasalamat sa buhay ni Magsanoc.

Tinapos ng Pangulo ang kaniyang mensahe sa mga salita ni St. Paul kay Timothy na “I’ve fought the good fight, I’ve finished my course, I have kept the faith.”

Muling tumungo si Pangulong Aquino sa Heritage Park sa Taguig City dakong alas nuebe kagabi para sa necrological service para sa labi ni LJM.

Read more...