Mga residente, nag-aarmas na dahil sa BIFF

 

Inquirer file photo

Nag-aarmas na ang mga residente ng Barangay Kauran sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao dahil sa pangambang balikan sila ng puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Sa kabila ng deployment ng mga tropa ng pamahalaan sa kanilang lugar, mas minarapat ng mga residente na humanap ng paraan upang makakuha ng mga armas tulad ng M-16 at iba pa na magagamit bilang panlaban sa mga rebelde.

Matatandaang noong bisperas ng Pasko, biglang sumalakay ang BIFF sa kanilang lugar at walang habas na pinaulanan ng bala ang anim na mga magsasaka na ikinamatay ng mga ito.

Bukod sa anim na napatay, dalawa pang kalalakihan ang pinatay ng rebeldeng grupo sa kalapit na barangay ng Palian.

Dahil dito, nagpasya ang mga residente na maging alerto at maglunsad ng 24-oras na pagbabanatay sa kanilang komunidad.

Sa kasalukuyan, nasa anim na libo nang mga residente sa mga kalapit na barangay ang lumikas sa pangambang maging sila ay salakayin ng armadong grupo.

Read more...