Ayon kay Salceda, kapag naging ganap na batas ang panukala ang mga dagdag na buwis sa mga inuming nakalalasing, sigarilyo, vape at e-cigarettes ay magpopondo sa universal health care at mga sektor na hindi pa sakop ng PhilHealth.
Kung sakaling tuluyang maisabatas ang bersyon ng Kamara, lahat ng Filipino ay magiging miyembro na ng PhilHealth at ang mga wala pang membership ay mismong sa ospital na bibigyan ng pamahalaan ng kanilang membership.
Sa panukala na pumasa sa ikalawang pagbasa sa Kamara, inaasahang makalilikom ng P17 bilyong dagdag pondo kapag naging batas.
Bukod sa mga nasa ilalim na ng 4Ps at mga paying member, may nasa 26 milyon pang mga Pilipino ang hindi miyembro ng PhilHealth na kalimitang kinabibilangan ng mga kasambahay, farm worker at iba pang informal worker na mahihirap.
Dagdag pa ni Salceda, ang mga kasambahay naman na hindi pa rin miyembro ng PhilHealth ay otomatiko nang magiging miyembro.