Pagtugon sa petisyon ng Rappler, bahala na ang SolGen – Palasyo
Ipinauubaya na ng Palasyo ng Malakanyang sa Office of the Solicitor General (OSG) ang pagtugon sa utos ng Supreme Court na sagutin ang petisyon ng online news organization na Rappler nang pagbawalan ang kanilang hanay na mag-cover kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, tiwala ang Palasyo na kaya na ni Solicitor General Jose Calida na tugunan ang isyu.
Nanindigan si Panelo na isang pribilehiyo at hindi karapatan ng isang media organization na mag-cover sa pangulo at sa Palasyo.
Sinabi pa ni Panelo, hindi rin maituturing na prior restraint ang ginagawa ng Palasyo sa Rappler dahil nakukuha pa rin naman nila ang mga balita mula sa Palasyo pati na ang mga aktibidad at mga talumpati ng pangulo.
Hindi rin aniya maituturing na pagsupil sa freedom of the press ang ginagawa ng Palasyo sa Rappler.
Una rito, inatasan ng Korte Suprema ang pamahalaan na sagutin sa loob ng 10 araw ang petisyon ng Rappler na kumukwestiyon sa coverage ban sa kanilang hanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.