Sumama na ang EcoWaste Coalition sa mga nananawagan na maimbestigahan ang insidente ng pagkasunog ng bahagi ng natitirang 5,177 toneladang plastic waste mula sa South Korea noong Lunes.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ni Ecowaste national coordinator Aileen Lucero ang insidente at sinabing mas pinalala lamang nito ang polusyong dulot ng mga basura.
Hinimok ni Lucero ang kaukulang mga ahensya ng gobyerno na gumawa ng mga hakbang sa insidente at papanagutin ang mga nasa likod nito.
Una rito, nagpahayag si Misamis Oriental Rep. Juliette Uy ng pagnanais na imbestigahan ang sunog na anya’y pagsabotahe sa mga pagsusumikap na maipatupad ang anti-pollution laws sa bansa.
Pabalik na sana ang natitirang tone-toneladang basura sa South Korea matapos ang pangako ng South Korean embassy.
Bahagi ito ng 50,000 metriko toneladang basura na iligal na ipinadala sa Tagoloan, Misamis Oriental.