2 sundalo patay, isang babae sugatan sa pamamaril sa Marawi City

By Den Macaranas December 29, 2015 - 09:04 PM

Marawi1
Inquirer file

Patay ang dalawang sundalo makaraan silang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspects habang sila’y nakatayo sa harap ng isang radio station sa Marawi City.

Nasa kritikal na kundisyon naman ang isang babae na tinamaan ng ligaw na bala makaraan ang pamamaril sa mga namatay na tauhan ng militar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Marawi City Police, habang nakatayo sina Sgt. John saballe at Sgt. Sofronio Grame sa harap ng gusali ng Ranao Broadcasting Corp. ay nilapitan at bigla na lamang silang binaril ng mga suspek.

Makaraan ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang mga suspek habang nagpapaputok ng kanilang baril kung saan ay tinamaan sa leeg ang babaeng biktima.

Kaagad na isinugod sa Amai Pakpak Medical Center ang mga biktima kung saan namatay ang dalawang sundalo habang ginagamot.

Kaagad na ipinag-utos ni Lanao del Sur. Gov. Mamintal Adiong Jr. ang mabilis na imbestigasyon lalo’t nakunan ng CCTV ang nasabing pamamaril.

Magugunitang kamakailan lang ay pinagbabaril din sa Marawi City ang news team ng ABS-CBN Iligan pero sa kabutihang-palad ay wala namang namatay o nasaktan sa hanay ng mga mamamahayag.

 

TAGS: AFP, Lanao, Marawi City, AFP, Lanao, Marawi City

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.