Farmers Plaza humingi ng paumanhin sa trans woman na hindi pinayagan sa female CR
Tinawag na ‘unfortunate’ ng management ng Farmers Plaza ang sinapit ng trans woman na si Gretchen Diez sa kanilang female CR at sinabing hindi nila ito ipagsasawalang-bahala lamang.
Magugunitang hindi pinayagan ng janitress na gumamit ng female CR si Diez at di umano’y sinaktan pa ang trans woman.
Sa kanilang pahayag Miyerkules ng hapon, humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Farmers Plaza kay Diez, sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community at sa publiko sa naging pagtrato ng janitress.
Nilinaw din nila na hindi direktang empleyado ng kumpanya ang janitress at nakipag-ugnayan na sila sa agency na may hawak dito para gumawa ng kaukulang aksyon.
Iginiit pa ng Farmers Plaza na hindi ideya ng kanilang pamunuan na posasan si Diez at hindi naganap ito sa lugar na sakop ng kanilang mall.
Naniniwala ang management na ang maling pagtrato sa kahit sinong customer anuman ang sexual orientation ay hindi katanggap-tanggap.
Welcome anila ang LGBT community sa Farmers Plaza.
Nais ng management ng dayalogo kay Diez upang pag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa LGBTQ+ Community nang makapagbigay ng mas magandang serbisyo para sa lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.