Paglipana ng POGO paiimbestigahan ng minorya sa Kamara

Nais paimbestigahan ng minorya sa Kamara ang paglipana ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) outlets sa bansa.

Ayon kay House Minority Leader Bienvenido Abante Jr., maituturing security threat ang pagdami ng mga POGO outlets.

Sinabi ni Abante na sa ngayon ay 51 na ang POGO outlets sa Metro Manila pa lamang at ang ilan ay malapit pa sa kampo ng mga militar.

Kailangan aniyang masilip ang usapin na ito upang matukoy kung nagkaroon ng kapabayaan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) kung bakit tila walang limit aniya ang pagsulputan ng mga POGO outlets.

Iginiit ni Abante na hindi ito kailangan ng Pilipinas lalo pa at kaakibat nito ang maraming problema tulad ng hindi pagbabayad ng wastong buwis, korapsyon at pagdami ng mga illegal foreign workers.

Samantala, sinabi naman ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat na bagama’t security threat na maituturing ang issue na ito, hindi naman dapat ituring ang China bilang kaaway kahit karamihan sa mga nagtatrabaho sa POGO ay Chinese nationals.

 

Read more...