Binalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko kaugnay sa investment scam ng ilang mga kumpanya.
Partikular na dito ang Scentko World Corporation at ang mother holding firm nito na Brendahl Cruz Holdings Inc.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Atty. James Armend Pan Jr. Commissioner Secretary ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi otorisado ang nasabing kumpanya na pumasok sa investment scheme.
Taliwas ito sa ginagawa ng Scentko World Corporation na nangangako sa kanilang mga investors na kikita ng 400-percent ang isang investment sa loob lamang ng isang buwan.
Halimbawa na dito ang P10,000 na investment sa perfume products ng Scentko World Corporation na pwedeng kumita ng P40,000 sa loob lamang ng 30-day period.
Pinaka-mataas sa kanilang iniaalok ang P40,000 na investment na pwede umanong kumite ng P160,000 sa loob lamang ng isang buwan.
Sinabi pa ni Pan na inihahanda na rin nila ang kaso laban sa Scentko World Corporation dahil sa kanilang iligal na investment scam.