Trans woman, hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng CR sa mall sa Quezon City
Isang transgender woman ang hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng comfort room ng isang mall sa Quezon City.
Ibinahagi ni Gretchen Custodio Diez, 28 anyos, sa pamamagitan ng Facebook live ang insidente.
Maririnig sa video ang paggigiit ng janitress ng CR na hindi dapat gumamit si Diez ng naturang CR dahil taglay pa rin nito ang ari ng lalaki.
Sinabi ni Diez na kinaladkad siya ng naturang janitress at ilang beses na hinampas dahil sa kanyang video recording.
Pinosasan ng isang lady guard si Diez at dinala sa QCPD station 7.
Sa press briefing ni Diez, sinabi nitong humingi na ng paumanhin ang janitress na nanakit sa kanya.
Gayunman, kakasuhan pa rin ni Diez ang management ng mall dahil sa paglabag sa ordinansa ng Quezon City na nagbabawal sa diskriminasyon sa tao batay sa sexual orientation, gender identity at expression.
Pumunta mismo sa istasyon ng pulis kung saan nakadetine si Diez si Bataan Congresswoman Geraldine Roman.
Si Roman na isa ring transgender woman ay mariing kinondena ang insidente.
Maging si Sen. Risa Hontiveros ay nagpadala ng abugado para tulungan si Diez.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang pangyayari at dapat maihinto ang diskriminasyon laban sa mga transgender.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.