CBCP nanindigan, lalaki at babae lang ang pwedeng magpakasal

gay pride
Kuha ni MJ Cayabyab/Inquirer.net

Nanindigan ang Simbahang Katolika na mananatili ang pagtuturo nila ng tunay na kahulugan ng kasal dito sa Pilipinas batay sa aral ng simbahan at hindi ito mababago ng desisyon ng US Supreme Court na nagsasabing legal na ang same-sex marriage sa buong Amerika.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, walang mababago sa turo ng simbahan kaugnay sa kasal, na ito ay isang “permanent union” sa pagitan ng lalaki at babae.

“The Church continues to maintain what it has always taught. Marriage is a permanent union of man and woman, in the complementarity of the sexes and the mutual fulfilment that the union of a man and a woman bring into the loftiness of the matrimonial bond. If there is an undeniable difference between man and woman, there is also an undeniable difference between the permanent union of a man and a woman,” ayon kay Villegas.

Matapos ang nasabing US Supreme Court ruling nagsagawa ng “Gay Pride rally” ang mga miyembro ng LGBT (Lesbians, Gay, Bisexual and Transgender) groups sa bansa. Anila, dapat na sundan ng Pilipinas ang halimbawa ng United States Supreme Court.

Nasa 500 miyembro ng LGBT ang nagmartsa sa Rizal Park, bitbit ang mga placards at streamers na may nakasulat na “Fight for Love” at nagwagayway ng rainbow banners. Ang iba ay bitbit pa ang kanilang mga alagang hayop na sinuotan ng rainbow costumes.

Ayon kay Jonas Bagas, executive director ng pro-LGBT rights group na TLF Share, dapat marinig at makarating sa iba pang panig ng mundo ang US Supreme Court ruling.

Sinabi ni Bagas na nakatakda talaga ang kanilang martsa bilang paggunita sa 1969 demonstration sa New York City na naging hudyat para maisulong ang gay rights movement sa buong mundo. Pero lalo aniyang naging mas makabuluhan ang kanilang pagkilos dahil sa kalalabas lamang na desisyon ng US Supreme Court.

Ayon kay Bagas, patuloy pa ring naipagkakait ang karapatan ng mga LGBT sa bansa dahil sa pagiging Roman Catholic country ng Pilipinas at tahasang pagtutol ng simbahan sa gay marriages, divorce at maging sa paggamit ng artificial contraceptives.

“We hope that after this decision, the struggle for equality can be reframed to go beyond marriage equality so that we can address other dehumanizing situations that LGBTs encounter.” Ayon kay Bagas.

Dito sa Pilipinas, isang gay lawyer ang nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema kaugnay sa umiiral na batas hinggil sa pagpapakasal. Ayon kay Atty. Jesus Nicardo Falcis III, wala namang nakasaad sa civil code na ang pagpapakasal ay dapat lamang gawin ng babae at lalaki. Wala rin aniyang nakasaad sa batas na ang magpapakasal na magkasintahan ay dapat may kakayahang magka-anak./Dona Dominguez-Cargullo

Read more...