2 malaking korporasyon, binalaan ni Mayor Moreno ukol sa P25M na utang

Binalaan ni Mayor Isko Moreno ang dalawang market operator na hindi nagbabayad sa pamahalaang lokal sa lungsod.

Tinatayang nasa mahigit-kumulang P25 milyon ang utang ng XRC Mall Developers Incorporated at Marketlife Management and Leasing Corporation.

Sa Facebook page ng alkalde, sinabi nito na ito ay kaugnay sa pinirmahang joint venture agreement ng nagdaang administrasyon sa lungsod para pangasiwaan ang limang privatized public market.

Kasama rito ang Quinta Market, Sta. Ana Market, San Andres Market, Sampaloc Market at Trabajo Market.

Simula aniya April 2017, hindi na nagbayad ang dalawang korporasyon sa pamahalaang lokal ng lungsod hanggang July 2019.

Iginiit pa nito na nakalulungkot na nagbabayad ang mga maliliit na tindero habang ang malalaking korporasyon ay hindi.

“Ang nakakalungkot, yung mga maliliit na manininda sa loob ng palengke.. sila nagbabayad pero yung malalaking korporasyon hindi nagbabayad. Eh para niyo naman kaming ginagahasa niyan. Hindi naman po maganda yan,” pahayag ni Moreno.

Dahil dito, binigyan ng alkalde ang dalawang market operator ng pitumpu’t dalawang oras para magbayad sa obligasyon sa mga residente at pamahalaang lokal ng lungsod.

Kung hindi makakapagbayad sa loob ng itinakdang oras, sinabi ni Moreno na gagawin nang invalid ng pamahalaang lokal ang kontrata.

Read more...