Mga ahensya ng pamahalaan nais ipatawag ng komite sa kamara kaugnay sa POGO operations
Planong ipatawag ng House Committee on Games and Amusement ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang alamin ang sitwasyon ng mga Chinese POGO workers.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Eric Yap, pinuno ng komite, kabilang sa nais nilang ipatawag ang Bureau of Immigration, DOLE at Bureau of Internal Revenue.
Sinabi nito na nais nilang malaman kung legal at nabigyan ng working VISA ang mga chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations.
Gayundin, nais alamin ng komite ni Yap kung nagbabayad ang mga ito ng buwis at magkano ang nakokolekta mula sa mga ito.
Kailangan na aniyang magkaroon ng proper documentation at mahigpit na regulation sa proseso ng pagtanggap ng Pogo workers sa harap ng mga ulat na may mga grupo umanong nambibiktima ng mga kapwa-Chinese na sangkot sa kidnapping, extortion at theft.
Paliwanag pa ni Yap, sa ganitong paraan ay mas magiging epektibo ang pangongolekta ng buwis mula sa online gaming scheme at mapoprotektahan ang kapakanan ng mga legal foreign workers.
Sa naunang tala ng Department of Finance, tinatayang nasa 138,000 ang bilang ng mga legal na Chinese na POGO workers.
Target ng pamahalaan na makakolekta ng nasa dalawang bilyong piso kada buwan mula sa mga POGO subalit sa unang buwan ng implementasyon ng mas mahigpit na income tax collection ay umabot lamang sa P200 million ang nalikom.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.